Aminado ang Bureau of Immigration (BI) na bumulusok sa 95 percent ang bilang ng mga international passengers ngayong taon kumpara sa parehong period noong nakaraang taon.
Ang pagbaba ng mga bumibiyahe sa bansa mula sa iba’t ibang panig ng bansa ay naramdaman mula nang ipatupad ang community quarantine dito sa Pilipinas.
Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na ang passenger arrival volume mula March 16 hanggang June 30 ay bumaba ng mahigit 96 percent habang ang departure volume ay bumulusok sa 95 percent.
Sinabi naman ni Immigration Deputy Spokesperson at BI National Operations Center (BINOC) Acting Chief Melvin Mabulac na pumalo lamang sa 189,000 passengers ang dumating mula March 16 hanggang June 30 kumpara sa 5.16 million passengers na dumating sa bansa sa kaparehong period noong 2019.
Ang mga umalis naman sa bansa ay 238,000 pasahero kumpara sa 5.18 million sa kaparehong period noong nakaraang taon.
Ani Morente ang sobrang-sobrang pagbulusok ng passenger statistics ay dahil sa suspensiyon ng mga international flights ng iba’t ibang airline companies.
Kasunod na rin ito ng pagpapatupad ng travel restrictions na dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
“We do not foresee these statistics to rise in the near future while the entire world is still fighting to defeat this coronavirus,” ani BI Chief.