-- Advertisements --

ILOILO CITY – Umabot na sa halos 150 ang biktima ng paputok sa Western Visayas kaugnay sa pagdiwang ng bagong taon.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Dr. Mae Ann Sta. Lucia ng Center for Health Development, Regional Coordinator for Injury and Violence Prevention Program ng Department of Health (DOH)-6, sinabi nito na maaari pang madagdagan ang mga biktima ng paputok dahil hanggang Enero 5 pa ang monitoring ng ahensya.

Ayon kay Sta. Lucia, 36 ang kaso ng firecracker incidents ang naitala ng sentinel site sa rehiyon na kinabibilangan ng Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital sa Negros Occidental, Western Visayas Medical Center at Iloilo Mission Hospital sa lungsod ng Iloilo at Western Visayas Sanitarium sa lalawigan ng Iloilo.

Sa mga non-sentinel site ayon kay Sta. Lucia, umaabot sa 105 ang naitala na kinabibilangan ng 12 sa Aklan, 11 sa Antique, 17 sa Capiz, 4 Guimaras, 40 sa Iloilo, 12 sa Iloilo City, 34 sa Negros Occidental at 11 sa Bacolod City.

Inihayag ni Sta. Lucia na karamihan sa mga biktima ay nagtamo ng sugat sa kamay, mata at iba pang bahagi ng katawan dahil sa kwitis at boga kung saan 97 sa mga biktima ang active habang 42 naman ang passive.