KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang isang lider ng bigtime na drug syndicate sa Maguindanao matapos na maaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-BARMM sa isinagawang entrapment operation.
Kinilala ni PDEA-BARMM Director Juvenal Azurin ang naaresto na si Sahid Talib, residente ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Ayon kay Azurin, kasamang nakumpiska kay Talib ang nasa P6.8-milyong halaga ng pinaniniwalaang shabu.
Napag-alamang matagal nang sinusubaybayan ang suspek dahil sa pag-gamit nito ng mga menor de edad sa pagbebenta ng iligal na droga.
Nakuha mismo kay Talib ang mahigit isang kilong shabu na ibinigay nito sa PDEA agent na nagpakilalang buyer ng droga.
Matatandaan na ang pagkaaresto sa suspek ay kasunod ng pagkaguli sa 3 mga babaeng sangkot sa large scale trafficking ng droga sa Maguindanao.
Sa ngayon, nakatakda nang sampahan ng kaso ang suspek.