Kinumpirma na ng mga oil companies ang eksaktong ipapatupad na rollback sa presyuhan ng mga produktong petrolyo ngayong Martes, July 5.
Ito ay less than 10% ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ngayong taon.
Sa inilabas na advisory, inanunsiyo ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. na nasa P3 kada litro ang rollback sa presyo ng diesel at P3.40 kada litro sa kerosene habang wala namang paggalaw para sa presyo ng gasolina.
Magpapatupad din ng parehong price adjustment para sa diesel ang Cleanfuel, Flying V, Jetti, Petron, Phoenix Petroleum, PTT, Caltex, SEA Oil at Petro Gazz.
Ipapatupad ang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo sa lahat ng kompaniya ng langis dakong alas-6:00 ng umaga bukas maliban sa Cleanfuel na magpapatupad ng oil price adjustment bandang alas-8:01 ng umaga bukas.
Mas maaga naman ang Caltex na magpapatupad ng bawas presyo kung saan ang implementasyon ay sa alas-12:01 na ng madaling araw ng Martes.
Ang panibagong rollback ay kasunod ng apat na sunod na linggong pagtaas ng presyo ng gasolina at limang sunod na linggo para sa diesel at kerosene.
Katumbas ito ng less than 10% ng year-to date increase base sa data mula sa DOE na nagpapakita ng net increase na P30 kada litro para sa gasolina at P45.90 kada litro para sa diesel at P39.75 kada litro naman sa kerosene batay ito sa datos noong Hunyo 28 ng kasalukuyang taon.