Isang panalo na lamang ang kailangan ng Miami Heat bago umusad sa Eastern Conference finals matapos muling masilat ang NBA top team na Milwaukee Bucks sa score na 115-100.
Sa ngayon hawak na ng Miami ang 3-0 lead sa semifinals.
Sinamantala ng Heat ang pag-collapse ng Bucks sa 4th quarter.
Muling bumida sa panalo si Jimmy Butler na nagpasok ng 17 points sa fourth quarter lamang mula sa kanyang kabuuang 30 puntos.
Ang MVP na si Giannis Antetokounmpo ay merong 21 points, 16 rebounds at nine assists.
Batay sa kasaysayan sa NBA wala pang team ang nakabangon sa 3-0 deficit.
Pero buwelta ni Giannis baka silang team pa lang ang makakagawa.
Sinasabing masaklap ang pagkatalo ng Bucks dahil sa 3rd quarter ay lumamang pa sila ng 14 at sa unang bahagi ng 4th quarter ay abanse naman sila ng 12 puntos.
Pero disaster na ang sumunod na pangyayari nang iposte lamang nila ang anim na puntos mula sa 23 pagtatangka sa field.
Nangitlog din ang top team ng wala man lamang na ipasok na sa 3-point area kahit may 10 nagawa ng tira.