-- Advertisements --

Pinaghahanap na ngayon ng Bureau of Immigration ang mastermind sa likod ng iligal na pangre-recruit umano sa ilang mga biktimang Pilipino tungo sa bansang Bahrain.

Sa isinapublikong pahayag ng naturang kawanihan, sinabi nito ang kanilang patuloy na isinasagawang operasyon upang tuluyang matukoy ang notorious online trafficker na siyang nambiktima sa ilang mga Pilipino.

Kung saan kamakailan lamang base sa ulat kay Bureau of Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, idinetalye ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) na ang kanilang mga na-rescue ay dalawang babae, kinilalang sina Annie at Aiza.

Sinasabing ang dalawang biktima na ito ay magkaibigan na nag-travel tungo Hongkong para magbakasyon lamang raw ngunit natuklasan na mayroon pa silang ibang agenda.

Habang isinasagawa ang follow-up interview, umamin ang magkaibigan na ang totoong destinasyon nila ay papunta pala ng bansang Bahrain.

Na-recruit umano sila para magtrabaho sa isang factory na may pangakong pasahod kada buwan na 130 BHD, o 19,000 libong piso.

Sa pagpapatuloy pang pagtatanong, natuklasan na ang online trafficker ay binigyan sila ng dalawang envelope na naglalaman una ng travel documents.

Habang ang ikalawa naman ay ang Bahrain-bound airline tickets nila at VISA application.

Samantala base naman sa mas malalim na imbestigasyon, napag-alamang niloko ng naturang trafficker ang mga biktima na legitimate umano ang iprinosesong trabaho abroad.

Kung saan pinayuhan at binigyan ng instruksyon ang mga na-recruit na i-presinta ang sarili bilang mga turista upang ma-bypass ang immigration.

Ngunit giit naman ni BI Commissioner Viado na kanilang sinesegurong mabibigyang hustisya at maiingatan ang mga Pilipinong nais lamang magtrabaho abroad mula sa exploitation.