Nagsasagawa na ng verification ang Bureau of Immigration (BI) ukol sa travel history at legal status ng Chinese national na naaresto kahapon, Abril 29 sa Intramuros, Manila na may dala-dalang mga surveillance device.
Ito ay kasunod ng kahilingan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa naturang opisina na iberipika ang estado ng naturang Chinese na kasalukuyang nasa bansa.
Nakuhanan ang suspek ng Chinese passport at tourist visa para sa Pilipinas.
Sa naging operasyon ng NBI, narekober sa sasakyan ng suspek ang International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catcher, isang device na kayang mangolekta ng datus at impormasyon mula sa mga cellphone malapit sa naturang device.
Pinangangambahan ng NBI na ang naturang Chinese ay kumukuha ng mga election-related information.
Isasailalim din ng NBI ang mga nakumpiskang kagamitan sa cyber forensic examination upang matukoy kung gaano na karami ang mga nakolektang impormasyon at mga datus, lalo at ilang beses din umano nitong inikot-ikutan nito ang Commission on Elections (Comelec) central office.
Kasalukuyang nasa NBI detention facility ang naturang suspek.