Sinibak na sa pwesto ni Calabarzon regional police director ang dalawang pulis na umano’y nambugbog ng isang lalaki na lumabag sa quarantine protocol sa General Trias Cavite.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PRO4-B regional chief BGen. Vic Danao Jr. kaniyang sinabi na iniimbestigahan na nila ang insidente at kung mapatunayan na nagkasala ang kaniyang tauhan siguradong mananagot ang mga ito.
Sasampahan sila ng kasong kriminal at administratibo.
Ayon kay Danao, base sa inisyal na imbestigasyon, nakainom ang 30-anyos na si Ronald Campo ng mahuli ito ng mga pulis na lumabag sa quarantine protocol.
Nuong araw ng May 12 nasa 52 na mga violators ang nahuli kung saan dalawang pulis lamang ang nagmamando,pero tila pasaway ito at panay ang pagpupumiglas sa pulis.
Ayon sa heneral, hindi pulis ang nambugbog kay Campo kundi ilang sibilyan dahil sa pagiging pasaway nito.
” Meron siyang tinalunan na parang creek, duon sa creek may mga bato, burak, mabaho, kinuha uli eh dahil 52 nga ang binabantayan hindi lang naman siya ang inaasikaso duon so pinaupo uli, tumakbo na naman so pasaway talaga, sa katatakbo niya pumasok siya sa bahay kung saan saan nasuot yung iba nabugbog talaga siya ng may-ari ng bahay,” pahayag ni BGen. Danao.
Hinimok naman ni Danao ang mga kamag-anak ni Campo na magsampa ng reklamo laban sa kaniyang tauhan.
Aniya, hindi niya ito-tolerate ang maling gawain ng kaniyang mga tauhan.
Dagdag pa ng heneral,hindi siya nagkulang sa paalala sa kaniyang mga tauhan na pairalin ang maximum tolerance lalo na duon sa mga nagmamando sa mga quarantine checkpoints.
” Well unang-una gusto ko po iparating sa pamilya na ang ating po kapulisan fair and square when dealing with anyone especially on enforcement of laws, kung sa tingin niyo po na kayo ay agrabyado you can always lodge the complain pwede rin dito sa office namin, aaksiyunan po namin agad yan. Kung sa tingin po ninyo na may violation sila, i lodge lang po ang complain,” wika ni Danao.