-- Advertisements --

Maiging binabantayan ng mga chemical experts at bumbero sa pantalan ng Beirut ang nasa 20 containers na naglalaman ng mapanganib na kemikal.

Napag-alaman kasi ng mga ito na may isang tumatagas na container matapos ang malakas na pagsabog sa kabisera ng Lebanon noong nakaraang linggo.

Ayon sa isang French chemical expert na myembro rin ng cleanup team, may mga containers umano na nabutas dahil sa trahedya kung kaya’t mahigpit ang kanilang pagbabantay sa takot na maulit ang pagsabog.

Inaalam pa ng mga chemical experts mula France at Italy kung alin sa 20 containers ang may mapanganib na kemikal sa loob.

Dagdag pa ng mga eksperto may mga flammable liquids, batteries at iba’t ibang uri ng produkto sa mga nasabing containers na malaki ang tsansang sumabog muli.

Nakikipatulungan na rin ang mga ito sa mga bumbero ng Lebanon upang siguraduhin ang laman ng bawat containers dahil kailangan nilang linisin ang bawat isa at siguraduhin na hindi na ito magdudulot pa ng kagimbal-gimbal na trahedya.

Hindi naman ito nagbigay ng karagdagang impormasyon tungkol sa kung anong uri ng kemikal ang kanilang binabantayan. Tikom din ang bibig ng mga opisyal ng Lebanon sa posibleng banta ng mga kemikal sa naturang pantalan.

Magugunita na halos 160 katao ang namatay dahil sa pagsabog habang 6,000 naman ang sugatan. Pinaniniwalaan na dahil ito sa sunog na naganap sa isang warehouse na naglalaman naman ng 2,750 tonelada ng ammonium nitrate.