-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Ikinokonsidera na ng Bagumbayan-local government unit sa Sultan Kudarat na isailalim sa state of calamity ang nasabing bayan.

Ito’y dahil sa malaking pinsala ng malawakang pagbaha kung saan may mga lugar pa rin na ‘di humuhupa ang baha sa ngayon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, inihayag ni Bagumbayan Mayor Jonalette De Pedro na aabot na sa pitong barangay ang lubog pa rin sa baha at pingangambahang magpapatuloy pa ito sa oras na bubuhos uli ang malakas na ulan.

Dagdag pa nito, halos 500 indibidwal ang nananatili pa rin sa evacuation center sa kanilang bayan.

Nagsimula na rin aniya ng “sand bagging” ng mga residente sa pitong barangay ng bayan ng Bagumbayan, Sultan Kudarat, para ilagay sa mga river banks upang maiwasan ang pag-apaw ng tubig-baha sa mga sapa.

Humihingi naman ng tulong ang opisyal sa national government para sa pagsasa-ayos ng ilang dike sa kanilang bayan.