-- Advertisements --

Nananawagan ang progresibong party-list group na Bayan Muna sa publiko na magprotesta laban sa pagkadiskaril ng impeachment complaint at para kalampagin ang Senado na mag-convene sa Hunyo 21.

Sa isang statement, ipinunto ni Bayan Muna chairman Neri Colmenares na kahit nag-adjourn na ang Senado bilang legislative body, maaari pa rin itong mag-convene bilang isang impeachment court salig sa Senate rules.

Iginiit din ni Colmenares na dapat mag-convene ang Senado sa June 21 para tanggapin ang kasagutan ng respondent at simulan ang impeachment trial matapos na ipag-utos ng Senado bilang impeachment court noong Hunyo 11 sa Office of the Vice President (OVP) na magsumite ng kasagutan nang hindi lalagpas sa loob ng 10 araw.

Hinimok din ni Colmenars ang Kamara de Representantes na agad tumugon sa utos ng impeachment court na naggigiit na hindi lumabag sa batas ang impeachment complaint at handa silang usigin ito at humarap sa impeachment court sa June 21.

Dahil kung hindi aniya, ay sasabihin ng ilang Senador na ang House ang nagdidiskaril ng paglilitis dahil sa hindi pagsunod sa utos ng korte.

Dapat din aniyang ibalik ng Kamara ang bola sa Senado sa pamamagitan ng paghamon sa mga Senador na mag-convene bilang impeachment court sa June 21.

Sa huli, ipinunto ni Colmenares na hindi lamang ang mga mamamayan sa Metro Manila kundi maging sa mga probinsiya sa buong bansa ang magsagawa ng protesta para hikayatin ang Senado na mag-convene sa June 21 upang malaman kung saan ginastos ni Vice President Sara Duterte ang P612 million na kaban ng bayan at kung nagi-exist nga ba talaga ang umano’y tumanggap ng pera tulad ni Mary Grace Piattos, na dapat aniyang nagamit para sa libreng gamot, edukasyon at iba pang social services.