-- Advertisements --

Bahagyang humina ang Super Typhoon Inday habang patuloy itong kumikilos pakanluran sa Philippine Sea, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Batay sa tropical cyclone bulletin ng PAGASA nitong 11:00 P.M, nasa ilalim na ng Signal No. 1 ang ilang lugar sa Luzon at Bicol Region dahil sa posibleng malalakas na hangin na aabot sa 39 hanggang 61 kilometro kada oras.

Kabilang sa mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 1 ang:

  • Batanes
  • Cagayan kabilang ang Babuyan Islands
  • Isabela
  • Hilagang-silangang bahagi ng Quirino (Maddela)
  • Apayao
  • Hilagang bahagi ng Abra
  • Kalinga
  • Silangang bahagi ng Mountain Province
  • Silangang bahagi ng Ifugao
  • Ilocos Norte
  • Hilagang bahagi ng Aurora
  • Hilaga at gitnang bahagi ng Catanduanes

Ayon sa state weather bureau posibleng itaas pa sa Signal No. 2 o Signal No. 3 ang babala sa ilang lugar habang papalapit ang bagyo.

Bandang alas-10 kagabi, namataan ang sentro ng Super Typhoon Inday sa layong mahigit isang libong kilometro silangan ng Hilagang Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 185 kilometro kada oras at pag-bugso na 230 kilometro kada oras.

Kumikilos ang bagyo pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Inaasahan ng weather bureau na mananatiling malakas ang Super Typhoon Inday hanggang Huwebes bago ito unti-unting humina habang papalabas ng Philippine Area of Responsibility.