-- Advertisements --

Inaasahan ni Senate President Sherwin Gatchalian na dadalo ang lahat ng senador, kabilang ang mga miyembro ng minorya, sa pagsisimula ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Lunes, dahil bahagi aniya ito ng kanilang tungkulin bilang mga senator-judges.

Sa isang panayam, sinabi ni Gatchalian na mahalagang personal na marinig ng bawat senador ang mga ihaharap na ebidensya at argumento ng magkabilang panig upang ganap silang makalahok sa paglilitis.

“Nananiwala ako na dadalo lahat, dahil kasama ito saaming tungkulin… at hindi na kailangan sabihin pa kasi dapat lahat ng senator-judge ay present.” ani Gatchalian. 

Dagdag pa ng Senate President, maaari ring magtanong ang mga senador sa mga testigo, gayundin sa prosecution at defense panels, habang isinasagawa ang paglilitis.

Gayunman, iginiit ni Gatchalian na hindi dapat gawing forum ang impeachment court para talakayin ang iba pang isyu, kabilang ang legal na usapin kaugnay ng kanyang pagkahalal bilang Senate President.

Matatandaan na nauna nang sinabi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na maaaring malagay sa alanganin ang pagiging patas ng impeachment trial habang hindi pa nareresolba ng Supreme Court of the Philippines ang kanyang petisyon na ipawalang-bisa ang Hunyo 3 na sesyon ng Senado kung saan nahalal si Gatchalian bilang Senate President.

Ngunit para kay Gatchalian, ang usapin sa liderato ng Senado ay dapat talakayin sa plenaryo bilang bahagi ng legislative functions ng kapulungan at hindi sa impeachment court.

Samantala, naniniwala naman ang senador na positibong senyales ang pagdalo nina Senators Loren Legarda at Robin Padilla sa all-senator caucus noong Biyernes, dahil nagpapakita umano ito na handa na ang maraming senador na isantabi ang usapin sa liderato at tumuon sa impeachment trial.

Sa kabila nito, binigyang-diin niya ng mahalagang magkaroon ng quorum upang magtuloy-tuloy ang paglilitis kahit na hindi makadalo ang lahat ng 24 senador sa bawat araw ng trial

Ibinunyag naman ni Gatchalian na may ilang miyembro ng minorya ang nakipag-ugnayan sa kanya upang ipaliwanag na hindi sila nakadalo sa caucus dahil sa nauna nang mga nakatakdang gawain at iba pang mahahalagang obligasyon.