Idineklarang “cleared” na ang walong eskwelahan sa San Fernando, Pampanga matapos walang nakitang pampasabog kasunod ng ulat sa umano’y bomb threats na kumalat online.
Ayon sa San Fernando Police, isang paaralan sa sekondarya at pitong eskwelahan sa elementarya ang naapektuhan sa naturang pagbabanta.
Kabilang dito ang Potrero National High School, at ang Elementary Schools sa Duat, San Antonio, Balas, Sta. Barbara, Bacolor, Potrero, at Parulog, na lahat ay nasa iisang compound.
Nauna nang nakatanggap ng report ang mga awtoridad kaugnay sa post online na naglalaman ng bomb threat laban sa mga nabanggit na eskwelahan, na nagbunsod sa pulisiya na agad magtungo sa mga paaralan para iberipika ang impormasyon.
Sinabi ng San Fernando Police na bago pa man ang naturang banta, ilang araw na ring nakakatanggap ang Potrero National high School na kaparehong bomb threat.
Kasunod naman ng isinagawang security assessment sa mga paaralan, naberipikang walang anumang eskplosibo o pampasabog na natagpuan sa lugar.
Ipinagpatuloy na rin ang mga klase nitong hapon matapos ideklarang ligtas ang mga paaralan.
Patuloy naman ang isinasagawnag imbestigasyon sa insidente at ini-refer na sa Regional Anti-Cybercrime Unit nag kaso para matunton ang pinagmulan ng naturang banta.










