-- Advertisements --

Iginiit ni Senator Erwin Tulfo na hindi dapat maantala ang pagpasa ng mahahalagang panukalang batas at pagsasagawa ng mga imbestigasyon ng Senado sa gitna ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Tulfo, bagama’t kinikilala ng mga senador ang kanilang tungkulin bilang mga senator-judge sa impeachment proceedings, hindi dapat mapabayaan ang iba pang responsibilidad ng Senado, lalo na ang mga panukalang may direktang epekto sa kabuhayan at kapakanan ng mga Pilipino.

Sinabi ng senador na dapat magawa ng Senado na sabay na gampanan ang tungkulin nito bilang impeachment court at bilang lehislatura.

Kabilang sa mga panukalang nais niyang isulong ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Act, mga amyenda sa Oil Deregulation Law, panukalang lumikha ng Philippine Petroleum Reserve, at pagrepaso sa Juvenile Justice and Welfare Act.

Ayon kay Tulfo, marami pa ring batas na kailangang maipasa upang matugunan ang mga suliraning kinahaharap ng publiko kaya hindi dapat huminto ang legislative work habang nagpapatuloy ang impeachment trial.

Nanawagan din siya na ipagpatuloy ang mga imbestigasyon ng Senado, kabilang ang pagdinig sa umano’y mga anomalya sa flood control projects at ang isyu ng malawakang pagputol ng mga puno at earth-balling sa Palawan.

Binigyang-diin din ni Tulfo ang pangangailangang repasuhin ang Juvenile Justice and Welfare Act at ang Anti-Bullying Act dahil sa dumaraming krimeng kinasasangkutan ng mga menor de edad.

Aniya, may karapatan ang publiko na magkaroon ng pananagutan ang mga opisyal ng gobyerno sa pamamagitan ng impeachment trial, ngunit may karapatan din silang umasa na magpapatuloy ang trabaho ng Senado sa pagpasa ng mga batas na makatutulong sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.