Hinimok ng Atin Ito Coalition ang publiko na makiisa sa pagdiriwang ng ika-sampung taon anibersaryo ng pagkapanalo ng Pilipinas sa Arbitral Tribunal noong 2016.
Binigyang diin ni Rafaela David, Convenor ng naturang koalisyon na mahalagang hindi malimutan at patuloy na alalahanin ang tagumpay natamo ng bansa.
Kinilala kasi ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS ang karapatan ng Pilipinas pagdating sa pinag-aagawang teritoryo na West Philippine Sea.
Kung kaya’t ang isa sa mga lider ng mangingisda at co-convenor din ng koalisyon na si Roberto ”Ka Dodoy” Ballon ay nanawagan na makiisa rin sa mga aktibidad upang kontrahin ang pang-aangkin ng Tsina sa mga teritoryo ng Pilipinas.
Naniniwala naman si Rafaela David na ang paninindigan sa teritoryo ng bansa ay hindi lamang responsibilidad ng pamahalaan o grupo, bagkus aniya’y dapat lahat ay kasali at nakikiisa.
‘Whole of nation approach’ daw ang nararapat mangyari upang maiparating sa dayuhan bansa na ang West Philippine Sea ay pagmamay-ari ng Pilipinas.
Dagdag pa rito’y hinikayat ni Ka Dodoy Ballon ang lahat ng mga mayroon sasakyan na bumusina at mag-ingay bukas ng ika-12 ng Hulyo.
Hiling niya na maipakita ng mamamayan ang suporta at pagdiriwang ng bansa sa pagkapanalo sa Arbitral Tribunal, sampung taon ang nakalilipas.
















