-- Advertisements --

Walang ibinigay na bagong marching orders si Vice President Sara Duterte sa kaniyang defense team sa naging pagpupulong nila sa Senado nitong Martes, Hulyo 8.

Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng defense team, hindi na kailangan ng bagong utos dahil matagal nang handa ang kanilang panig para sa impeachment trial ng Pangalawang Pangulo.

Bagamat tumanggi si Poa na magbahagi ng detalye ukol sa agenda ng pulong, nilinaw niyang nagtungo lamang doon ang bise presidente upang makipagkita sa kaniyang mga abogado at hindi para mang-intimidate ng sinuman.

Ipinaliwanag ni Poa na nakaugalian na ni VP Sara na siya ang mag-adjust upang maiwasan ang abala, at dahil nasa Senado ang kaniyang legal team ay siya na mismo ang pumunta roon.

Agad ding umalis ang bise presidente matapos ang pulong at hindi na dumalo sa ikalawang araw ng kaniyang impeachment trial.