Hindi pa nabigyan ng linaw ng Philippine National Police (PNP) kung saan napunta ang P35 million bounty para sana maresolba ang kaso nang pagpaslang kay AKO Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe noong Disyembre ng nakaraang taon.
Sa briefing ng PNP sa House Committee on Public Accounts, bigo si Criminal Investigation and Detection Group acting director P/Gen. Joel Napoleon Coronel na maibigay ang buong liquidation sa nalikom na ilang milyong pabuya.
Ang liquidation kasi aniya sa P2 million na ibinigay ng probinsya ng Albay ay hawak pa sa ngayon ng provincial director, habang ang sa P20 million naman na mula sa Office of the President na ibinigay kay dating PNP Chief Oscar Albayalde ay hawak ng Office of the Executive Srcretary.
Sinabi ni Coronel na ang liquidation lamang sa P13 million na pinag-ambagan ng mga kongresista noong 17th Congress ang hawak nila na pawang ginamit bilang reward money sa mga witnesses sa kaso.
Dahil dito, iginiit ni Deputy Soeaker Johnny Pimentel na sa halip na briefing lamang ay i-upgrade ang pagdinig na ito sa formal hearing upang maobliga na dumalo ang iba pang mga kasalukiyan at dating opisyal ng pamahalaan na may papel sa kaso.
Kaugnay nito, inirekomenda ni Minority Leader Bienvenido Abante Jr. na i-subpoena si Albayalde para mas mabigyan linaw kung saan napunta ang P20 million na mula sa Malacanang.