LAOAG CITY – Dead on arrival ang isang barangay tanod matapos pinagbabaril sa Brgy. Alay, Badoc, Ilocos Norte.

Nakilala ang biktima na si Melchor Somera, 55, barangay tanod, isang tricycle driver at residente sa Sitio Nagbabaan sa naturang barangay.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng PNP-Badoc sa pamumuno ni P/Lt. Noli Alejandro, minamaneho umano ng biktima ang kanyang tricycle nang bigla na lamang pinagbabaril ng mga hindi pa nakikilalang mga suspek at pagkatapos ay agad umalis.

Sa pagresponde umano nila sa pinangyarihan ng pamamaril ay nakita pa nila na nakamula ang mga mata ng biktima na agad itinakbo sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa tinamong sugat lalo na sa kanang bahagi ng dibdib.

Isa umano sa tinigtignan nilang motibo ng krimen ay ang pagiging testigo ng asawa ng biktima sa nangyaring pamamaril sa nasabing bayan noong nakaraang taon.

Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang pamamaril.