Reading Time: 1 minute

GENERAL SANTOS CITY – Tuluyan ng ipinasara ni Gensan Mayor Ronnel Rivera ang isang bar na itinurong pugad ng ibat-ibang krimen.

Itoy matapos masangkot sa kaguluhan nitong Martes ng umaga na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang customer.

Kaagad pinakilos ng Mayor ang pulisya kasama ang Permit and Licensing Office para mahinto ang Explore bar na makita sa Aradaza street Lagao nitong lungsod.

Pasado alas dose ng tanghali nilagyan ng kandado nina Geraldine Zamora ng Permit and Licensing Office kasama si City PNP Director Col. Aden Lagradante ang nasabing bar.

Matatandaan alas-3 ng madaling araw bigla na lamang nagrambol at nagbasagan ng bote sa loob ng bar nasundan nga habulan at narinig ang sunod-sunod na putok ng baril.

Nasugatan sa pamamaril si Jay Napalit, 22 anyos, tricycle driver residente ng Purok 4B Rajah Muda, Bula habang patay sa saksak si John Vincent Lopez, 21 anyos residente ng Purok Guadalupe Barangay Conel.

Una nang sinabi ni Mayor Rivera na kahapon pa inatasan si City Administrator Atty Arnel Sapatos para sirhan ang nasabing bar at hindi na sana namatay pa ang dalawang biktima.

Sinisisi naman ng mga magulang ng mga biktima na buhay pa sana ang kanilang mga anak matapos ang hindi pagtalima ng administrador na lagyan ng padlock ang nasabing bar.

Napasarahan na noon ang nasabing bar dahil nag operate ito na walang permit.