-- Advertisements --

Dumipensa ang Malacanang sa pagbabanta ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo, na kamakailan lang ay tinanggap ang alok na maging co-chair ng Inter-agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Iginiit ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na nais lamang ipaalala ni Pangulong Duterte kay Robredo ang limitasyon ng trabaho nito bilang anti-drug czar.

Paglilinaw ito ni Panelo kasunod ng batikos ng ilang kritiko na ang banta ni Pangulong Duterte ay patunay lamang na bitag ang pagkakatalaga kay Robredo bilang co-chair ng ICAD.

Ayon kay Panelo, “unfounded” at “unproductive” ang sinasabing sinasabotahe ng Pangulo si Robredo para mabigo ang pagiging anti-drug czar nito.

“It is his constitutional duty not only to enforce all the laws but to ensure that all his alter egos, including a co-chairperson of the Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs, are performing their respective functions within the scope and ambit of the law,” dagdag pa ni Panelo.

Nauna nang hiningi ni Robredo na ang pagkakaroon niya ng access sa mga dokumento na may kinalaman sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga, na naglalaman ng mga classified information, at kalaynan ay nakipagpulong sa United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC).

Subalit nababahala si Panelo sa naging hakbang na ito ni Robredo, dahil maaring sumobra na aniya ang bise presidente sa awtoridad na ibinigay dito.

“Revealing state secrets to foreign individuals and entities as well as welcoming those who have trampled the country’s sovereignty would be damaging to the welfare of the Filipino people,” ani Panelo.