-- Advertisements --

Nahalal bilang bagong presidente ng Philippine Olympic Committee (POC) si PhilCycling Chief Abraham “Bambol” Tolentino matapos ang isinagawang special elections na idinaos sa Century Park Hotel sa Manila ngayong araw.

Tinalo ni Tolentino sa nasabing posisyon ang track and field head na si Philip Ella Juico.

Sa kanyang pagkakapanalo, hahalili ang 55-anyos na si Tolentino sa posisyon na binakante ni dating POC President Ricky Vargas.

Hunyo 18 nang magbitiw sa puwesto si Vargas matapos masangkot sa kabi-kabilang kontrobersiya na may kaugnayan sa hosting ng Pilipinas sa 30th SEA (Southeast Asian Games) Games.

Una rito, ididikta umano ng resulta ng naturang POC special elections ang magiging kapalaran ng sports sa bansa sa mga susunod na taon.

Ito ang paniniwala ng lead convenor ng grupong Reform Philippine Sports (RPS) Movement na si retired M/Gen. Charly Holganza.

Ayon kay Holganza sa panayam ng Bombo Radyo, dapat magwagi sa halalan ang mga kandidatong tunay na magsusulong ng reporma sa sports na matagal nang nasasadlak sa kahihiyan.

“Crucial itong vote na ito para makita natin kung ano ang magiging direksyon ng (POC) in the years to come,” wika ni Holganza. “Hindi lamang para sa (Southeast Asian) Games ito kundi para na rin sa Olympics next year.”

Bukas din aniya ang kanilang hanay na makipagdayalogo sa bagong pamunuan ng POC at handa rin silang tumulong para sa matagumpay na hosting ng bansa sa SEA Games sa darating na Nobyembre. (with report from Bombo Bam Orpilla)