-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Pinabulaanan mismo ni Baguio City Health Services Office chief Dr. Rowena Galpo ang balitang kumakalat sa social media sa Baguio City na may kaso na ng coronavirus dahil sa tatlong estudyante na nagmula sa China.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi niya na walang dahilan para maalarma, mabahala at mag-panic ang publiko dahil hindi totoong na-confine ang mga nasabing estudyante sa isang pagamutan sa Baguio.

Paliwanag niya, nagpakonsulta lamang ang tatlo dahil nakaramdam sila ng hirap sa paghinga at sa resulta ay hindi naman nakitaan ng sintomas ng coronavirus infection ang mga ito.

Dagdag nito na nabigyan naman ng proper treatment ang tatlo bago sila napauwi.

Gayunman, tiniyak pa rin ni Dr. Galpo na mahigpit na babantayan ng mga medical personnel ng La Trinidad, Benguet na may sakop sa dormitoryo ng tatlong estudyante, ang mga ito sa loob ng 21 araw.

Ito ay para mamonitor kung may development o may makitang sintomas ng infection ng coronavirus sa mga ito para sa agaran at kaukulang aksyon.

Umapela naman siya sa mga miyembro ng Filipino-Chinese Community sa Baguio City at Benguet para tumulong sa pagmonitor sa kanilang mga miyembro partikular ang mga bumiyahe sa China lalo na sa Wuhan City sa nakaraang 10-14 days at agad nilang ireport sa mga kinauukulan.

Dinagdag niya na dapat ding maging mapagmatyag ang publiko sa 2019 N-Cov bagama’t wala pang kumpirmadong kaso dito sa bansa.