-- Advertisements --

Ipinapanawagan ngayon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang balasahan sa Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth) matapos na sitahin nito ang umano’y overpriced COVID-19 testing packages ng ahensya.

Sinabi ni Drilon na posibleng mayroong ilang grupo sa loob mismo ng PhilHealth na siyang kumikilos para maitakda sa malaking halaga ang packages ng ahensya para sa COVID-19 testing.

“Siguro yan ang tingnan at i-reorganize dahil sa hindi mo maiwasang isipin na baka ito ay meron nang network sa iba’t ibang ospital at service provider na binabayaran ng PhilHealth,” ani Drilon.

Nauna nang tinukoy ng senador na ang PhilHealth na ang siyang sasagot sa P8,150 na binabayad kada COVID-19 test, pero doble aniya ito halagang ito kung ikumpara naman sa presyo ng test kits na nabili ng private sector, kabilang na ang sa Philippine Red Cross, na kayang gawin ang test sa halagang P3,500 lamang.

Bagama’t ayaw naman daw niyang sabihin na totoong sinadya na gawing mataas ang COVID-19 testing packages, sinabi naman nito na mayroon nang “prima facie” evidence sa iregularidad na ito.

“Kung may sapat na ebidensya later na makita, file-an ng kaso. Ngunit sa ngayon, habang ini-imbestiga natin, i-reorganize na,” dagdag pa ng senador.