Kakabitan na ng kuryente ang libo-libong household bago matapos ang taon.
Batay sa report na inilabas ng Department of Energy (DOE), 5,000 household mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ang nakatakdang mapailawan bago matapos ang kasalukuyang taon.
Ito ay maliban pa sa 17,000 household na dati nang itinakda nitong mga nakalipas na taon sa ilalim ng Total Electrification Project (TEP) ng National Electrification Administration (NEA).
Kung babalikan sa ika-4 na Ulat sa Bayan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., pinapatutukan nito sa DOE at NEA ang pagkakabit ng kuryente sa milyon-milyong kabahayan bago matapos ang kaniyang termino sa 2028.
Batay sa datos ng DOE, hanggang 2.018 million kabahayan na wala pang kuryente sa kasalukuyan ang pasok na sa coverage ng mga electric cooperative at distribution utilities.
Ang mga ito ay maaari nang makabitan ng kuryente sa pamamagitan ng regular service applications sa tulong ng mga nakakasakop na kooperatiba.
Giit ng DOE, nakikipag-kolaborasyon na ito sa Department of the Interior and Local Government (DILG) upang mapadali ang connection, lalo na para sa mga mahihirap na pamilya.
Kabilang sa mga maaaring ihanay para sa mga ito ay ang mas mabilis permitting process, at pagpapababa o tuluyang pag-waive sa connection fees na ipinapataw ng mga lokal na pamahalaan, atbpang akmang tulong.