-- Advertisements --

Nag-landfall na ang Tropical Depression Luis sa Maconacon, Isabela nitong Lunes ng gabi, ayon sa 8:00 p.m. weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Batay sa tala ng PAGASA alas-7:00 ng gabi, huling namataan ang sentro ng bagyo sa bisinidad ng Maconacon, Isabela.

Taglay nito ang hanging aabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 75 kilometro kada oras.

Dahil dito, nananatiling nakataas ang Wind Signal No. 1 sa ilang bahagi ng Cagayan, Babuyan Islands, Isabela, at mga bahagi ng Apayao, Kalinga, Mountain Province, at Ifugao.

Nagbabala ang PAGASA sa mga residente sa mga apektadong lugar na maging alerto sa posibleng minimal hanggang bahagyang pinsala dulot ng malalakas na hangin, lalo na sa mga baybayin at matataas na lugar kung saan maaaring mas lumakas ang ihip ng hangin.

Samantala, inaasahang magpapalakas din ang Habagat o southwest monsoon, kasama ang epekto ng bagyo sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas, gayundin sa ilang lalawigan sa Mindanao, kabilang ang Zamboanga del Norte, Lanao del Norte, Misamis Occidental, Camiguin, Surigao del Norte, Dinagat Islands, Sarangani, Davao Occidental, at Davao Oriental hanggang bukas, Agosto 4.