Ngayon pa lamang umano ay may sapat na bilang na ng mga kaalyadong kongresista si Leyte Rep. Martin Romualdez para makuha ang pagiging speaker ng Kamara de Representantes.
Ito ay sa kabila na sa buwan pa ng Hulyo magsisimula ang 19th Congress.
Nitong nakalipas na araw ay puspusan ang pakikipagkita ni Romualdez sa iba’t ibang mga partido politikal sa kamara.
Sinasabing sa pagbubukas ng bagong kongreso sa July 25 ay magiging formality na lamang umano ang gagawing botohan.
Kaya naman ang aabangan na lamang daw ngayon ay ang itatalaga sa iba pang mga pwesto tulad na lamang kung sino ang susunod na majority floor leader, mga committee chairmanships at tatayong House minority leader.
Sa ngayon ang kongreso ay binubuo ng NPC na may 39 na miyembro, NUP may 34, PDP-Laban na umaabot sa 62, NP nasa 39, LAKAS-CMD may 29 na miyembro, ang LP may siyam na mga congressman at partylists na nasa 60.
Ilang kongresista na rin ang nagsabi na baka mabuo ang super majority na kaalyado ng papasok na Marcos administration.
Samantala, kahapon din ay nakipagpulong ang House majority leader sa ilang miyembro ng Nacionalista Party na kinabibilanganan nina Ilocos Norte Representative-elect Sandro Marcos na anak ni presumptive President Ferdinand Marcos, Jr., nandoon din si presumptive Sen. Mark Villar at deputy speaker Camille Villar.
Kaugnay nito, hinarap din ni Romuladez ang ilan pang miyembro ng partylist coalition at ilang member ng National Unity Party.