-- Advertisements --

CEBU CITY – Umabot na sa 203 ang confirmed cases ng COVID-19 sa Central Visayas matapos na nadagdagan ng 12 panibagong kaso.

Batay sa pinakahuling ulat mula sa Department of Health (DOH) Region VII, nagmula ang pitong bagong kaso sa lungsod ng Cebu, dalawa sa Lapu-Lapu City, at tatlo naman sa Mandaue City.

Kabilang sa mga nahawaan ng COVID-19 ay ang isang kapapanganak lang na sanggol mula sa Cebu City.

Inaalam ngayon ng ahensya kung paano ito nahawaan kahit na negative sa virus ang ina nito.

Sa kabuuan, 173 na ang bilang mga nahawaan ng coronavirus sa Cebu City, 13 naman sa Lapu-Lapu City, at siyam mula sa Mandaue City.

Wala namang pagbabago sa mga naitalang kaso mula sa lalawigan ng Cebu, Negros Oriental, Bohol, at zero case pa rin sa Siquijor.

Iginiit ngayon ni DOH-VII Director Dr. Jaime Bernadas na kailangang mag-ingat ang mga buntis sa naturang nakakamatay na virus.

Bumaba naman ang fatality rate ng coronavirus sa rehiyon sa 4.4 percent, mula sa una nang naitalang 4.7 percent.