-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na ang kanilang revised set of guidelines para sa suspension of classes ay hindi pa pala epektibo.

Sa inilabas na public advisory, nagpaliwanag ang DepEd na ang Department Order No. 37, series of 2022 na may kaugnayan sa “Guidelines on the cancellation or suspension of classes and work in schools in the event of disasters and other natural calamities” na pirmado ni vice president at Education Secretary Sara Duterte ay hindi pa epektibo.

Ang naturang dokumento ay tinanggal na rin daw sa kanilang official website.

Ginawa ng DepEd ang paglilinaw matapos na maraming mga LGUs sa Metro Manila ang nagsuspinde ng klase kahapon bunsod ng babala na yellow warning ng Pagasa dahil sa mga pag-ulan.

Ayon sa mga lokal na pamahalaan sa NCR, pinagbasehan nila ang bagong guidelines daw ng DepEd.

Giit naman ng DepEd ang revised guidelines sa class at work suspension sa panahon ng disasters at calamities ay muli nilang isasapubliko matapos ang filing requirement sa Office of the National Administrative Register (ONAR) at sa UP Law Center.