-- Advertisements --

VIGAN CITY – Binigyang-diin ng bagong committee chairman ng House committee on games and amusements na hindi ito sang-ayon sa mga panukalang ipatigil ang operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).

Ito’y dahil sa mga anomalyang kinasasangkutan ng ilang Chinese workers.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Abra Lone District Rep. Joseph Sto. Niño Bernos na paiimbestigahan nitong maigi ang mga pinaniniwalaang anomalyang kinasasangkutan ng ilang POGO workers bago ito magbigay ng suhestyon hinggil sa nasabing bagay.

Kung maaalala, pinalitan ni Bernos si ACT-CIS Partylist Rep. Eric Go Yap bilang chair ng nasabing komite matapos na maitalaga ang huli bilang pinuno naman ng House committee on appropriations sa gitna ng pinaniniwalaang kudeta laban kay House Speaker Alan Peter Cayetano.

Iginiit nito na malaki ang naitutulong ng mga POGO sa ekonomiya ng bansa kaya kailangang pag-aralang mabuti ang mga suhestyong ipasara ang mga ito na siyang gagawin ng kaniyang komite.