Naubos na raw ng Department of Health (DOH) ang backlog ng COVID-19 test samples ng 28 mula 42 licensed laboratories na humahawak ng testing para sa coronavirus disease.

Ayon sa DOH, nagsumite ng kumpletong listahan sa kanilang Epidemiology Bureau ang 27 operational licensed laboratories, habang partial line list ang ipinasa ng isa pang lisensyadong pasilidad.

Kaugnay nito, tinawag ng kagawaran ang pansin ng 14 na natitirang pang licensed laboratories na nago-operate na i-submit na rin ang kanilang kumpletong listahan para ma-validate at masama na sa official count ng COVID-19 cases.

Nakapaloob daw kasi sa line lists ang test results ng COVID-19 tests mula nang magsimulang mag-operate ang mga laboratoryo.

Simula ngayong araw, June 1, wala raw munang ire-report na “late cases” ang DOH hangga’t hindi nagsu-submit ng line lists ang natitirang 14 na testing laboratories.

“We urge the 14 remaining operational laboratories who have yet to submit their complete line lists to coordinate with DOH and submit immediately,” ani Health Sec. Francisco Duque III.

“These line lists are necessary for the government to provide accurate and timely information not only to our policy-makers, but also to the public who have endured the hardships brought on by this pandemic. Our people deserve to know.”

Umaasa ang DOH na araw-araw nang magpapasa ng accomplishment reports ang mga laboratoryo hinggil sa mga natapos nilang tests sa loob ng isang araw para agad na ma-validate ng kagawaran at mai-report sa publiko kinabukasan bilang “fresh cases.”