CEBU CITY – Inaalam ng Visayas Overseer on COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) Task Force Sec. Roy Cimatu ang bed capacity sa lahat ng mga pagamutan sa lungsod ng Cebu.
Ayon kay Cimatu, natukoy nila mula sa mga tinawagang may-ari na may 569 bed capacity sa mga pribadong ospital habang 646 sa intensive care units.
Natukoy ni Cimatu na sa 86.6% ang “percentage fill” ng mga hospital bed para sa COVID-19 patients at “crucial” ito sa siyudad kung mapupuno ito lalo na at pataas ang kaso ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa lungsod.
Dahil dito, naghahanap ng paraan ang opisyal upang matugunan ang kakulangan ng hospital beds.
Binigyang-diin din ni Cimatu na kailangang itaas ang sahod ng mga medical workers upang lalong magsikap ngayong panahon ng pandemya.
Una nang inihayag ni Cebu City Mayor Edgardo Labella na magbibigay ang pamahalaan ng dagdag na incentives para sa mga nurse ng mga pribadong pagamutan.
Batay sa datos mula sa Department of Health-7, Cebu City pa rin ang may pinakamataas na bilang ng mga confirmed cases kung saan nasa 7,015 na ito at 6,802 naman ang active cases.
Nabatid na inilagay uli ng IATF sa ECQ (enhanced community quarantine) ang lungsod hanggang Hulyo 15.