Tiniyak ng Palasyo na may mga ginagawang hakbang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr para itaas ang sahod ng mga manggagawa lalo na ang mga nasa private sector.
Nanawagan kasi ang ilang mambabatas at labor groups kay Pangulong Marcos na sertipikang urgent ang Wage Hike Bill.
Paliwanag naman ni Palace Press Officer Usec Claire Castro na nais ng Pangulo na makipag usap at magsagawa ng kunsultasyon ang mga stakeholders upang malaman kung ano ang dapat gawin para tugunan ang hiling na taas sahod.
Nais din matiyak ng Punong Ehekutibo kung kaya din ng mga employers na taasan ang sahod ng kanilang mga empleyado.
Siniguro ng Malakanyang kung ano ang magiging kautusan ng Pangulo kaugnay sa wage hike ay kanila itong ipatutupad.
Una ng inihayag ng Pangulo na hindi binabalewala ng gobyerno ang kanilang kahilingan na magkaroon ng umento sa sahod.
Samantala, bukas si Pangulong Marcos na makipag dayalogo sa mga labor groups na nagsusulong ng taas sahod para sa mtga manggagawa lalo na kung ito ay para sa ikabubuti ng mga manggagawa.
Hindi isinasara ng Pangulo ang kaniyang pintuan para sa mga labor groups.
Ayon kay USec. Castro kailangan lamang na planuhin ito ng maayos.