-- Advertisements --

Sinuspinde na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 15 public utility buses ng Solid North (Dagupan Bus) matapos ang karambola sa Tarlac City Toll Plaza sa SCTEX na ikinasawi ng hindi bababa sa 12 katao at ikinasugat ng higit 37 iba pa.

Epektibo agad ang 30-araw na preventive suspension ng mga unit. Babala ng LTFRB ang sinumang magpapatuloy sa operasyon ng mga nasuspindeng unit ay agad na huhulihin at iimpound ng LTO, MMDA, at PNP-Highway Patrol Group.

Samantala, inatasan ang Passenger Accident Management and Insurance Agency (PAMI) na agad iproseso ang insurance claims. Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III, P400,000 ang ibabayad sa pamilya ng bawat nasawing pasahero, habang hanggang P200,000 naman para sa mga hindi pasahero na nadamay sa aksidente.