kidnapped baby bacolod
Babysitter arrested by PNP Bacolod

BACOLOD CITY – Maihahambing sa pelikula ang ginawang pagkidnap ng isang yaya sa kanyang alagang bata sa lungsod ng Bacolod hanggang sa ito ay nahuli.

Una rito Lunes ng hapon, umalis sa bahay ng kanyang amo si Irish Martir, 19, ng Purok Santol, Brgy. Mandalagan, Bacolod bitbit ang kanyang alaga na isa’t kalahating taong gulang na lalaki.

Pag-uwi pa mula trabaho nalaman ng mag-asawa sa kanilang pangalawang anak ang pag-alis ng yaya bitbit ang kanyang alaga.

Lunes ng gabi, nag-report na ang ama ng bata sa Bacolod Police Station 7 matapos hindi na bumalik ang suspek kung saan kaagad namang inalerto ang lahat ng police stations sa lungsod at maging sa BREDCO Port.

Mismong commander ng Police Station 7 na si Major Sherlock Gabana ang nanguna sa paghahanap hanggang sa natunton ang yaya sa Miag-ao, Iloilo.

Pinuntahan ni Gabana ang bahay ng boyfriend ng suspek kung saan naabutan ang yaya at ang bata hanggang sa nakabalik ang mga ito sa Bacolod.

Sa ngayon, nakakulong na ang suspek sa Bacolod Police Station 7 at sasampahan ng kasong kidnapping.

Napag-alaman na may mga Facebook post ang suspek kung saan naka-collage ang litrato nilang mag-boyfriend kasama ang kanyang alaga na kanyang inaangking anak.

Dito na nagkaroon din ng lead ang pulisya para matunton ang suspek.

Mismong ang boyfriend din ang tumawag sa kanyang magulang sa Miagao na susunduin ang kanyang nobya dahil kasama nito ang kanilang anak.

Magkakilala lamang ang suspek at magulang ng bata dahil magkapitbahay sila dati sa Brgy. Mandalagan bago lumipat ang mga ito sa Brgy. Mansilingan, Bacolod City.