Tinawag ni Batangas First District Representative Leandro Leviste na “selective justice” ang nalalapit na pagsasampa ng kasong plunder laban kay Senador Rodante Marcoleta.
Sa pagsama ng kongresista sa rally sa Liwasang Bonifacio sa Maynila, sinabi ni Leviste na hindi lamang si Marcoleta ang dapat tutukan at dapat ding papanagutin ang mga sangkot sa umano’y katiwalian sa mga flood control project.
Iginiit din niya na maraming opisyal ang tumatanggap ng iligal na campaign donations at may mga kampanyang pinondohan umano ng pondong mula sa flood control.
Dumalo si Leviste sa rally ng Iglesia ni Cristo kasama ang humigit-kumulang 200 residente mula sa unang distrito ng Batangas bilang suporta kay Marcoleta.
Nauna nang inanunsyo ng Office of the Ombudsman ngayong linggo ang pagsasampa ng kasong plunder laban kay Marcoleta kaugnay ng umano’y hindi idineklarang P75 milyong campaign donation noong 2025 senatorial elections.
















