-- Advertisements --

Lalo pang titibay ang relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos matapos tanggapin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang credentials ni US Ambassador-designate Lee Lipton sa Malacañang kahapon.

Ayon sa Pangulo, mahigit isang siglo nang matatag ang ugnayan ng dalawang bansa at umaasa siyang lalo pa itong lalalim sa mga susunod na taon.

Samantala, sinabi naman ni Lipton na pagtutuunan niya ang pagpapalakas ng kooperasyon ng Pilipinas at US sa seguridad, ekonomiya, kalakalan at pagkakaibigan ng mamamayan ng dalawang bansa.

Itinalaga si Lipton bilang embahador noong Pebrero 9, 2026 at kinumpirma ng US Senate noong Mayo 18, 2026.

Ngayong taon, ipinagdiriwang ng Pilipinas at Estados Unidos ang ika-80 anibersaryo ng pagkakatatag ng kanilang pormal na ugnayang diplomatiko. Patuloy ding nananatiling mahalagang katuwang ng Pilipinas ang US sa kalakalan, pamumuhunan, turismo at usaping panseguridad.