Naniniwala si Senator Panfilo “Ping” Lacson na hindi magpapadala si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla sa umano’y pressure na dulot ng isinagawang rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa EDSA People Power Monument sa Quezon City noong Martes, Hunyo 30.
Sa isang post sa X (daing twitter), sinabi ni Lacson na kumpiyansa siyang mananatiling matatag si Remulla sa pagganap sa kanyang tungkulin, sa kabila ng pagtutol ng INC sa nakatakdang pagsasampa ng kasong plunder laban kay senator Rodante Marcoleta.
“Ombudsman Boying is tough as a Caviteño will always be,” ani Lacson.
“I trust that he won’t cave in to the INC rallies and pressure — not today, not tomorrow and certainly not when Sen. Marcoleta’s plunder case is filed in court as earlier announced,” dagdag pa niya.
Nauna rito, nagpahayag ng pagtutol ang INC sa planong pagsasampa ng kasong plunder laban kay Marcoleta.
Sa binasang pahayag ni INC spokesperson Edwil Zabala, kinuwestiyon ng grupo kung bakit umano kakasuhan ang senador gayong ito ang naglantad ng mga umano’y anomalya sa mga flood control projects.
Ayon kay Zabala, hindi nila sinasang-ayunan ang reklamong may kaugnayan sa umano’y P75 million campaign donation na tinanggap ni Marcoleta noong 2025 elections.
Samantala, sinabi rin ni Lacson na bagama’t maaaring magdulot ng matinding trapiko ang mga pagkilos ng mga tagasuporta ng senador, naniniwala siyang gagampanan ng Philippine National Police (PNP) ang tungkulin nitong mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.
“His INC backers may block EDSA all they want and cause traffic jams and chaos to the discomfort of ordinary commuters. Surely, the PNP will be there to maintain peace and order,” ani Lacson.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag sina Ombudsman Remulla at Senador Marcoleta kaugnay ng mga naging pahayag ni Lacson.
















