-- Advertisements --

Planado ang isinagawang surprise rally sa EDSA People Power Monument. Ito ang inihayag ng Malacañang.

Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na madaling-araw pa lamang ay naipaalam na kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tungkol sa protesta. 

Giit nito, tila sadyang itinago ng mga organizer ang plano upang maging “surprise rally,” na aniya’y hindi naaayon sa batas at hindi rin nagbibigay-galang sa karapatan ng ibang mamamayan.

Gayunman, sinabi ni Castro na hindi niya makumpirma kung nagkaroon ng lapses sa intelligence.

Aniya, ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang Philippine National Police (PNP) ang mas makasasagot kung may naging kakulangan sa intelligence gathering.

Ayon pa kay Castro, pinagpaliwanag ni Pangulong Marcos ang DILG at PNP kung paano naisagawa ang biglaang protesta.

Nauna nang sinabi ng Malacañang na ang isyung kinahaharap ni Senador Rodante Marcoleta ay nasa hurisdiksiyon na ng Office of the Ombudsman at wala nang kinalaman ang Pangulo sa proseso. 

Binanggit din ni Castro na ang reklamo ay may kaugnayan sa umano’y pagtanggap ni Marcoleta ng P75 milyong donasyon noong siya ay kongresista, na aniya’y inamin mismo ng senador.