Malaki ang naging epekto ng surprise rally sa EDSA ngayong araw hindi lamang sa pamahalaan kundi maging sa mga manggagawa, estudyante, pasyente at mga negosyong naapektuhan ng pagsikip ng daloy ng trapiko sa EDSA.
Ito ang inihayag ni Palace Press Officer USec. Claire Castro.
Iginiit ni USec. Castro na dapat may permit at koordinasyon sa pamahalaan ang mga rally upang makapaghanda ng mga kinakailangang traffic at safety measures.
Binigyang-diin din niya na igagalang ang karapatan ng mga mamamayan na magprotesta basta’t ito ay naaayon sa batas.
Iginiit ng Malacañang na iginagalang ng administrasyon ang karapatan ng mga mamamayan na magpahayag at magprotesta, ngunit sinabi nitong hindi dapat malabag ang batas o maabala ang publiko.
Sinabi rin ni Castro na walang nakikitang banta ang Malacañang mula sa protesta, ngunit patuloy na mino-monitor ng Pangulo ang sitwasyon dahil sa epekto nito sa trapiko at sa mga motorista, manggagawa, estudyante at mga pasyenteng dumaraan sa EDSA.
Ayon pa kay USec Castro, malaking abala ang biglaang rally dahil wala umanong permit at hindi ito naipagbigay-alam sa pamahalaan, kaya walang sapat na paghahanda para sa traffic management.
Aniya, iimbestigahan ang anumang posibleng paglabag sa batas at pananagutin ang mga responsable kung kinakailangan.
















