-- Advertisements --

Pinag-aaralan ng Philippine National Police ang posibleng paglabag sa Batas Pambansa Blg. 880 o Public Assembly Act kaugnay ng mga rally ng Iglesia ni Cristo (INC) na isinagawa nang walang permit.

Ayon kay PNP Public Information Chief na si Col. Allen Rae Co, tinitignan pa ng pulisya ang posibleng pananagutan ng mga organizer at hindi pa tiyak kung anong mga kaso ang maaaring isampa.

Isinagawa ng INC ang mga rally sa People Power Monument sa Quezon City at Liwasang Bonifacio sa Maynila bilang suporta umano kay Senador Rodante Marcoleta, na napipintong sampahan ng kasong plunder kaugnay ng umano’y hindi idineklarang campaign donation noong 2025.

Ayon sa PNP, dati na rin itong nagsampa ng mga kaso dahil sa paglabag sa naturang batas, kabilang ang rekomendasyong kasuhan ang siyam na indibidwal kaugnay ng Labor Day rally noong Mayo sa Kalaw Avenue.

Samantala, hindi bababa sa tatlong katao ang inaresto dahil umano sa pananakit sa mga pulis nang magkaroon ng tensyon sa pagitan ng mga raliyista at mga awtoridad.

Sinabi ni Col. Co na pinag-aaralan din ng PNP ang pagsasampa ng kasong direct assault at iba pang posibleng kaso laban sa mga naaresto.