-- Advertisements --

Nakiusap si senator Robin Padilla sa publiko sa kanyang talumpati sa ikatlong araw ng peace rally ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Liwasang Bonifacio sa Maynila kahapon ay ”sa mga kababayan nating hindi nadalan ng maleta pero nagtutulog-tulugan.”

Umaasa si Padilla na magiging mapagmatyag ang mga Pilipino sa mga nangyayari sa bansa.

Binanggit din niya na posible siyang kasuhan ng obstruction of justice kaugnay ng umano’y pagtulong kay senator Ronald “Bato” Dela Rosa na makatakas sa kostodiya ng Senado noong Mayo 14.

Ayon kay sen. Robin na iniisa-isa na umano sila at maaari rin daw na maglabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban sa kanya.

“Iniisa-isa na po kami. Hindi magtatagal, ma-sho-shoot na naman ako. Ang katanungan na lang ngayon kung ako ba ay i-sho-shoot dito o ipadadala ako sa [The] Hague,” saad ni Padilla.

Gayunpaman, nauna nang nilinaw ni ICC-accredited Assistant to Counsel Kristina Conti na ang pananagutan niya sa bansa ay ‘walang kaugnayan sa international tribunal.

“Kasi ‘yong kaso ko, obstruction of justice, ang warrant of arrest galing sa ICC e. Dayuhan. Wala naman akong obstruction of justice dito… Foreign ang kaso ko. Isang malaking karangalan na rin, at least ‘di ba? Nandito tayo sa Liwasang Bonifacio—gumanap akong Bonifacio at ang kalaban ko dayuhan!” dagdag pa niya.

Hinikayat din ni Padilla ang publiko na huwag umanong manatiling tahimik sa mga isyung kinahaharap ng bansa.

Aniya, patuloy siyang magsasalita para sa mga Pilipino sa kabila ng mga kinahaharap na isyu.

“Hindi n’yo pupwedeng sabihin na: ‘Hindi, okay lang ako. Bahala na ako sa buhay ko.’ Hindi po pupwedeng gano’n,” giit niya.

“Dahil ako ang sarap na ng buhay ko! Ang ganda ng asawa ko, bata ‘yong asawa ko. Puwede naman akong mag-artista, ang daming leading lady! Pero nagtitiis ako para sa inyo!”