Pinuna ni Senator Robin Padilla ang ilang politiko na aniya’y dating matatapang ngunit tila nanahimik na sa gitna ng mga isyung kinahaharap ng bansa.
Ito ang naging pahayag ng senador sa pagtatapos ng tatlong araw na peace rally ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Liwasang Bonifacio sa Maynila nitong Huwebes, Hulyo 2.
Sa kanyang talumpati, nagtanong din si Padilla kung bakit hindi umano nagsasalita ang ilang mamamayan sa kabila ng mga nararanasang suliranin.
“Marami sa ating mga kababayan, hindi ko alam… sila’y gising, sila nama’y hirap din, hindi ko alam kung bakit hindi sila nagrereklamo—nabigyan ba ng maleta?” ani Padilla.
Nagbigay rin siya ng patutsada sa ilang pulitiko.
“Ang dami nating politiko na dati ay matatapang. Matatapang sila pero nakalimutan nila ‘to! Nasaan na ‘to? Nasaan?” aniya habang gumagawa ng hand gesture.
Pinasalamatan din ng senador ang Iglesia ni Cristo dahil sa patuloy umano nitong pagmamalasakit sa bayan.
“Nakakalungkot ang sitwasyon ng bayan natin. Kaya ang buong sambayanang Pilipino ay nagpapasalamat sa Iglesia ni Cristo, sapagkat hindi kayo nakakalimot sa pagmamahal n’yo sa bayan. Patuloy ang panggigising ninyo,” dagdag niya.
Tinapos ng Iglesia ni Cristo nitong Huwebes ng gabi ang kanilang peace rally, kung saan nanawagan ang grupo para sa transparency at accountability.
Nagpahayag din ito ng suporta kay Senator Rodante Marcoleta sa gitna ng nakaambang pag-aresto sa kanya kaugnay ng kasong plunder.
Ang unang dalawang araw ng peace rally ay idinaos sa EDSA People Power Monument sa Quezon City. Gayunpaman, inilipat ang huling araw ng pagtitipon sa Liwasang Bonifacio sa Maynila matapos bawiin ng pamahalaang lungsod ng Quezon City ang permit para sa paggamit ng orihinal na lugar.
















