-- Advertisements --

Nais ni Senator Raffy Tulfo na matukoy at mapasailalim sa retraining ang isang pulis na makikita sa viral video kaugnay ng insidente sa rally na pinangunahan ng Iglesia ni Cristo (INC) malapit sa People Power Monument sa Quezon City.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services nitong Huwebes, sinabi ni Tulfo na hindi umano naipagtanggol ng pulis ang isang motorcycle rider na hinarang at sinaktan ng ilang kalahok sa rally matapos nitong tangkaing dumaan sa kahabaan ng EDSA.

Ayon sa senador, makikita sa video na napalibutan ang rider ng mga raliyista, kung saan siya ay sinigawan, kinuha ang susi ng motorsiklo, at may ilan umanong nagbanta pang siya’y papatayin.

“Yung tao overwhelmed na siya ng mga rallyista, sinisigawan siya, kinuha ang susi niya. At yung isa pa doon, binantaan siyang papatayin. Tapos ngayon, siya pa ang pagagalitan ng pulis. I want that policeman identified and isalang siya sa retraining program,” ani Tulfo.

Bilang tugon, sinabi ni Philippine National Police Regional Legal Office chief Police Col. Ehdel Pereira na sisikapin nilang matukoy ang pagkakakilanlan ng pulis na nasa video.

Dagdag pa ni Pereira, magsasagawa rin ang Philippine National Police ng karagdagang pagsasanay para sa kanilang mga tauhan upang mas maging handa sa paghawak ng mga kahalintulad na sitwasyon.

Matatandaang nag-viral ang insidente matapos halos mapaligiran ng mga kalahok sa rally ang motorcycle rider na nagtangkang dumaan sa EDSA na imbes umanong ipagtanggol at pigilan ang mga nangbubulyaw ay ang rider pa umano ang pinagalitan.

Isinagawa ang rally bilang pagpapahayag ng suporta kay Senator Rodante Marcoleta, na nahaharap sa posibilidad ng reklamong plunder kaugnay ng umano’y hindi idineklarang campaign donations.