CAUAYAN CITY- Malubhang nasugatan ang isang PNP Patrolwoman matapos aksidenteng mabangga ng isang motorsiklo habang papatawid sa lansangan sa Purok 6, Barangay Rizal, Santiago City
Ang biktima ay si Patrolwoman Micah Ruth Abannag, 24 anyos, kasalukuyang nakatalaga sa Rizal Patrol based ng Santiago City Police Office at tubong Dagupan, Tabuk City, Kalinga.
Ang nagmamaneho ng itim na motorsiklong nakabangga sa pulis ay si Darwin Sia, 46 anyos, walang trabaho at residente ng nabanggit na lugar.
Batay sa pagsisiyasat ng SCPO Traffic Group, sakay ng motorsiklo ay binabagtas ni Sia ang lansangan patungong Ramon, Isabela nang biglang nahagip ang papatawid na si Patrolwoman Abannag.
Mabilis umano ang naging patakbo ni Sia sa motorsiklo kaya naman nahagip nito ang papatawid na pulis na nagtamo ng fracture sa ulo at kaliwang binti.
Nagtamo naman ng galos sa tuhod at mukha ang suspect.
Ayon naman sa pinaghihinalaan galing siya sa paaralan na nagpasa ng mga answer sheet sa module ng kanyang anak.
Iniwasan umano nito ang biktima ngunit siya ay nataranta kaya nabangga pa rin nito
Ang suspect ay mahaharap sa kasong Serious Physical Injury.