Ibinahagi ng film producer at abogado na si Atty. Joji Alonso ang isang taos-pusong pagninilay tungkol sa pinagdaanan ng kanyang anak na actor, Atty. Nico Antonio matapos nitong makapasa sa bar examinations.
Sa isang Instagram post, inamin ni Joji na minsan ay hindi nya akalaing darating sa puntong magiging ganap na abogado ang kanyang anak.
Ayon sa kanya, bagama’t nagtapos si Nico ng law school noong 2014, paulit-ulit nitong ipinagpaliban ang pagkuha ng bar exams dahil sa sunod-sunod na proyekto sa telebisyon at pelikula.
“I must admit that I didn’t think this day would come,” ani Alonso. “While Nico graduated from law school in 2014, he never took the bar exams because he was working on one TV or movie project to the next.”
Paliwanag pa niya na habang nakikilala si Nico bilang aktor hanggang sa bumuo ng sariling pamilya, lalo aniyang naging mailap ang prayoridad ni Nico sa pagkuha ng bar exams.
Tatlong taon ang nakalilipas nang muling ipahayag ni Nico ang kanyang determinasyong tapusin ang nasimulan. Ayon kay Joji, nakita niya ang matinding kagustuhan ng anak na malampasan ang pinagdaanan noong siya’y nag-aaral palamang.
“I could see the fire in him to overcome one last battle,” ani Alonso, na ikinuwento ring nag-enroll si Nico sa review classes habang patuloy na tinatapos ang kanyang mga proyekto sa showbiz.
Dagdag pa niya, kahit sa gitna ng bar examinations ay patuloy pa rin daw na nagtatrabaho si Nico, kabilang ang pag-shoot ng ilang eksena para sa pelikulang ”UnMarry” sa pagitan ng mga araw ng pagsusulit upang matugunan ang production deadlines.
Buong pagmamalaking sinabi ni Joji na ang tagumpay ni Nico ay isang milestone para sa kanilang pamilya.
“And now this great news has come! I am now a mother to three lawyers,” ani pa Joji.
“God has been so good to me and my children.”















