Nangunguna sa vice mayoralty race sa Reina Mercedes, Isabela si Atty. Jeryll Harold Respicio, ang abogadong naglabas ng impormasyon ukol sa umano’y ‘backdoor’ sa mga ginamit na Automated Counting Machines (ACM) sa katatapos na May 12 elections.
Batay sa resulta ng 96% Election Returns mula sa bayan ng Reina Mercedes, umabot na sa 5,927 votes ang nakuha ni Atty. Respicio.
Ito ay mahigit 600 votes kumpara sa kaniyang kalaban at kasalukuyang bise-alkalde ng naturang bayan na si Bong Respicio na nakakuha ng 5,312 votes.
Sa kabila nito, hindi muna matutuloy ang proklamasyon ni Atty. Harold dahil sa pagpapatigil ng 1st division ng Commission on Elections hanggang hindi pa naglalabas ng karagdagang order ang komisyon.
Sa kasalukuyan ay nahaharap sa disqualification ang naturang abogado na inihain ng Task Force Katotohanan, Katapatan, at Katarungan (KKK) sa Halalan dahil sa kaniyang mga online video kung saan ipinakita niya ang umano’y paraan kung paano pwedeng ma-hack ang mga ACM, daan upang magpadala ang mga ito ng peke o maling election result.
Sa kabilang banda, nanalo naman ang ka-tandem ni Vice Mayor Bong na si Atty. Malou Respicio-Saguban bilang alkalde ng Reina Mercedes.
Nakakuha si Atty. Maluo ng kabuuang 10,245 votes habang ang kaniyang kalaban na si Alvin Uy ay nakakuha lamang ng 3,690 votes.