ILOILO CITY – Nagpaalala ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa mga Katoliko na sundin pa rin ang health protocol kasunod ng pagpapayag na magpapahid ng abo sa noo, bukas, Marso 2, Ash Wednesday.
Ang Ash Wednesday ang hudyat ng pagsisimula ng Kuwaresma sa bansa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Bishop Victor Bendico, Episcopal Commission on Liturgy ng CBCP, sinabi nito naibabalik na nila ang kinaugaliang paglalagay ng abo sa noo sa gitna ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Noong 2020 at 2021 kasi, binago ng pamunuan ng Simbahan ang pagdaraos ng Miyerkules ng Abo dulot ng pandemya.
Sa halip na ipahid sa noo, ibinubudbod na lamang ito sa ulo ng mga nananampalataya.
Samantala, nanawagan ang Simbahang Katolika sa mga Pilipino sa Ukraine na naipit sa girian nila ng Russia.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Msgr. Meliton Oso, director ng Jaro Archdiocesan Social Action Center, sinabi nito na hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga Pinoy at manalangin lang kay Hesus.
Naniniwala naman si Msgr. Oso na malalampasan ng Ukrainians ang krisis sa pamamagitan ng pagtutulungan ng buong mundo.
Nanawagan din ito sa gobyerno na pabilisin ang repatriation ng mga Pilipino.