Maaari umanong mag-isyu ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban sa mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra.
Subalit nilinaw naman ng SolGen na ibang usapin ang pagpasok ng mga imbestigador ng ICC sa teritoryo ng Pilipinas kayat mahalaga ang kooperasyon nito sa pamahalaan.
Aniya, ang pag-isyu ng warrant of arrest ay base sa assessment ng ICC pre-trial chamber kaugnay sa existence ng makatwirang basehan na nakagawa nga ng krimen ang isang indibidwal.
Dapat din aniyang imbestigahan ng ICC prosecutor ang ebidensiya na parehong “incriminating” o nagpakita ng ebidensiya o katibayan ng pagkakasangkot ng indibidwal sa krimen o “exonerating” o nag-aabswelto sa isang indibdiwal mula sa criminal charges laban sa kaniya.
Sa ibang salita, ang imbestigasyon ay dapat na hindi bias o walang kinikilingan, dahil kung hindi ay insufficient ito para sa pag-iisyu ng arrest warrant.
Ginawa ng SolGen ang naturang pahayag nang tanungin kung maaaring mag-isyu ang ICC ng arrest warrant laban kina VP Sara Duterte na isinasangkot sa Davao death squad at iba pang opisyal ng gobyerno ng PH kaugnay sa Oplan Tokhang sa kasagsagan ng war on drugs noong nakalipas na administrasyon.
Una na kasing inakusahan ni dating Davao Senior Police Officer Aruri LascaƱas na umano’y miyembro ng orihinal na Davao Death Squad, si VP Sara na siya umanong nag-orchestrate ng Oplan Tokhang sa Davao city noong alkalde pa siya noong 2012.
Kaniyang isinumite sa ICC ang 186 pahinang affidavit na naglalaman ng impormasyon kaugnay sa umano’y mga pagpatay na ginawa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang pagkakasangkot umano ng kaniyang anak na si VP Sara sa extrajudicial killing sa Davao city.
Una ng inihayag ng mag-amang Duterte sa magkahiwalay na pagkakataon na tanging sa mga huwes at korte lamang ng Pilipinas sila haharap at hindi sa ICC.