-- Advertisements --

(Update) CAGAYAN DE ORO CITY -Kapwa ligtas na ang isang army official at anim na mga pulis na kabilang sa nakig-engkuwentro laban sa sub-lider ng Dawlah Islamiyah terror group sa Barangay Guimba, Marawi City, Lanao del Sur.

Ito ay kahit nagtamo ng ilang sugat ang mga katawan ng state forces na lumusob sa lokasyon ni Dawlah Islamiyah sub-leader Usop Nasif alyas Abu Asraf na anak ng isang barangay kapitana sa hideout nito sa nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni 103rd IB, Philippine Army commander Brig Gen Jose Maria Cuerpo na bagamat nasa Iligan City at Cagayan de Oro City ang dalawa sa mga pulis para sa karagdagang medikasyon subalit hindi na umano delikado ang kanilang mga kalagayan.

Sinabi ni Cuerpo na nagpapahinga na lamang ang kanyang isang army official na kabilang sa nasugatan sa engkuwentro dahil minimal wounds lamang ang tinamo nito nitong Lunes ng umaga.

Inihayag rin ng opisyal na ipinapaubaya na nila ang pag-iimbestiga sa maybahay ni Nasif na kabilang sa nasugatan habang ilan pang sibilyan na nagsilbing lookout sa bisinidad ng hideout bago naganap ang engkuwentro.

Magugunitang tuluyan na rin na isinara ng korte ang anim na counts ng murder cases laban Nasif dahil sa pagka-neutralize nito.

Si Nasif ang nasa likod pagpatay ng anim na sundalo at pulis sa magkaibang pagkakataon sa Marawi City bilang paghihigante umano laban sa gobyerno sa loob lamang ng taon na ito.